TINGNI: Pinangunahan ni Mayor Beverley Dimacuha ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) hinggil sa ibat-ibang proyektong ipatutupad ng Shell Pilipinas Corporation (SPC) at Pilipinas Shell Foundation Inc (PSFI) sa Batangas City

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

TINGNI: Pinangunahan ni Mayor Beverley Dimacuha ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) hinggil sa ibat-ibang proyektong ipatutupad ng Shell Pilipinas Corporation (SPC) at Pilipinas Shell Foundation Inc (PSFI) sa Batangas City na lubos na pakikinabangan ng mga mamamayan ng lungsod, November 9.

Isa na rito ang Batangas City Eco Park and Wildlife Rescue Center kung saan popondohan ng PSFI ang pagtatayo ng Livelihood Center and Souvenir Shop sa dating dumpsite na matatagpuan sa barangay Tingga Labac.

Layunin ng naturang proyekto na maishowcase ang ibat-ibang produkto ng lungsod sa pamamagitan ng Shell LiveWIRE program upang mahikayat ang maraming turista na bumisita dito.

Ang kasunduan ay nilagdaan sa pagitan ng pamahalaang lungsod na kinatawan ni Mayor Dimacuha at ni PSFI Executive Director Sebastian Quinones Jr..
Nagsilbing witness sina SPC- VP for Corporate Relations Serge Bernal at Vice Mayor Alyssa Cruz.

Nakatakdang simulan ang proyekto sa first quarter ng susunod na taon.

Samantala, upang patuloy na umagapay sa mga kabataang Filipino na matamo ang kinakailangang kasanayan at kaalaman tungo sa pagiging produktibong mamamayan, ipatutupad ng PSFI ang STEP o ang Science and Technology Education Program para sa mga 3rd year under graduate students sa STEM related courses sa Batangas State University –TNEU at Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB).

35 mag-aaral mula sa BSU-TNEU at 15 mula sa CLB na nakatira sa TALIM (Tabangao, Ambulong, Libjo, San Isidro, Malitam) barangays ang pagkakalooban ng scholarship grant hanggang matapos nila ang kanilang pag-aaral sa loob ng dalawang taon.

Ang MOA ay nilagdaan nina Mayor Dimacuha, Quinones at nina VP for Admin & Finance Andrew Deguito ng CLB at Dr Jennifer Manalo mula sa BSU-TNEU.
Para naman sa mga kabataan ng lungsod, pangungunahan ng Shell Pilipinas at Asia Society for Social Improvement and Sustainable Transformation (ASSIST) katuwang ang City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) at Dep Ed Batangas City ang implementasyon ng Master of Disaster (MOD).
Ang MOD ay isang original at innovative board game na ginawa ng ASSIST upang maituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng paghahanda at aktibong pagtugon sa mga karaniwang sakuna sa Pilipinas.

Hangad din nito na maipabatid sa mga mag-aaral ang mas malalim na kaalaman tungkol sa mga disasters at ang importansya ng pagtutulungan sa oras ng kalamidad.

Sa pamamagitan ng paglalaro ng MOD, mapapatatag ang kamalayan ng mga kabataan sa konsepto ng disaster risk reduction management (DRRM).
Sa unang phase ng pagpapatupad nito, 10 MOD ang ipagkakaloob sa 15 paaralan habang 15 guro ang sasailalim sa pagsasanay hinggil dito.
Target ng proyekto na maturuan ang 225 guro at community leaders at maipabatid ang MOD sa may 8100 kabataan sa lungsod.

Lumagda sa MOA sina Bernal, Francis Macatuald ng ASSIST at ang Senior Education Program Specialist ng Dep Ed Batangas City na si Dr Carol Gayeta. (PIO Batangas City)