Indi film na Ku’Te ipapalabas sa Batangas City bilang fund-raising project para sa mga children with disabilities

  Kute.jpg

Isang fund-raising project para sa mga estudyanteng may kapansanan ang Inilunsad ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) kung saan ang pondo ay manggagaling sa proceeds ng pelikulang Ku’Te na ang bida ay ang Batangueñang artista at may Down Syndrome na si Marielle Therese Castor. Ang pelikulang ito ay nakatakdang ipalabas sa SM City Batangas simula sa January 25.

Kasama ng CSWDO sa proyektong ito ang Dep Ed Special Education, child development workers at iba pang sectors na may ganitong advocacy. Layunin ng gawaing ito na makalikom ng karagdagang pondo upang ibili ng mga kagamitan para sa mga estudyante ng SPED kung kayat nananawagan ang mga tumataguyod nito sa mga taga lungsod na suportahan at panoorin ang nasabing pelikula.

Ang Ku’Te na buhat sa salitang kuya at ate ay isang pelikulang naglalayong ipaalam sa lahat na ang Down Syndrome ay isang kalagayan at hindi sakit kung saan maaring linangin at paunlarin ang kakayahan ng isang taong may ganitong kalagayan. Patunay nito ay si Marielle na naging nominado bilang Best Actress sa Foreign Film ng New World Cinema ng Film Development sa Berlin, Germany para sa pelikulang Ku’Te. Hindi man siya nagwagi ito ay malaking pagkilala hindi lamang kay Marielle kundi sa lahat ng may kapansanan at mga magulang na may anak na nasa ganitong kalagayan.

Si Marielle ay tubong Sta. Rita Aplaya, lungsod ng Batangas at kasalukuyang naninirahan sa Lipa City.

Kasama ni Marielle sa pelikulang ito sina Johan santos at Nico Gomez. (PIO Batangas City)