Benepisyo ng breastfeeding tinalakay

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg

BATANGAS CITY-Nagbigay ng testimonials ang dalawang local officials sa kanilang pagiging breastfeeding mothers sa Breastfeeding Symposium na isinagawa ng Nutirition Division ng City Health Office kung saan ito ay dinaluhan ng mga kababaihang empleyado na nasa reproductive age ng pamahalaang lungsod.

Ayon kay Batangas Board Member Claudette Ambida-Alday, hindi naging madali ang pagpapasuso sa kaniya sapagkat hindi agad siya nagkaroon ng gatas at nagkasakit pa. Nagkaroon din siya ng post-partum depression kung saan isa sa naramdaman niya ay may pagkukulang siya bilang ina dahil hindi siya makapagpasuso.

Sa kanyang ibayong pagbabasa at paghingi ng tips mula sa ibang breastfeeding moms ay natutunan niyang maging matiyaga sa paggamit ng breast pump upang maipasuso ang kanyang gatas sa kanyang anak. Pitong buwan na ang kanyang baby ngayon at patuloy pa niya itong bini breastfeed.

“Ako po ay natutuwa na ang Breastfeeding Ordinance na akda ko noong ako ay konsehal pa ay naisasabuhay ko na,” dagdag pa ng bokal.

Ikinuwento naman ni Councilor Aileen Grace Montalbo na hanggang ngayong tatlong taon na ang kanyang bunso ay pinapasuso pa rin niya ito sapagkat masustansya ang gatas ng ina. Kagaya ni Bokal Alday, gumagamit din siya ng breast pump at ang gatas ay naka store sa refrigerator kayat kahit wala siya sa bahay ay napapasuso ng kanyang gatas ang kanyang anak.

Ayon kay City Nutritionist Luciana Manalo, sinasabi sa Expanded Breast feeding Promotion Act of 2009 na isang national policy ang mag “promote, encourage, protect and support the practice of breastfeeding” kaya lahat ng private enterprises, government agencies at government –owned and controlled corporations ay kailangang sumunod sa probisyon ng batas na ito. Kabilang sa ipinaguutos ng nasabing batas ang pagkakaroon ng mga lactation stations kung saan pwedeng magpasuso ang mga ina.

Sinabi ni Manalo na may 57 lactation stations sa mga food chains sa lungsod. Mayroon din sa mga public at private schools at ilang mga business establishments. Ang mga lactation stations aniya ay hindi dapat ilagay sa loob ng toilet.
Ipinaliwanag naman ni Eva Mercado, nutrition officer 111, ang kahalagahan at benepsiyo ng breast feeding sa first 1000 days ng sanggol. Aniya, mas malusog, matangkad, matalino at nakakapag-aral ang breastfed baby.

Pinoprotektahan din ang bata sa respiratory infection, pagtatae at iba pang sakit habang naiiwasan naman ang ovarian at breast cancer sa mga breastfeeding mothers. Sapat din ang sustansya ng breast milk para sa baby kayat hindi na siya kailangang bigyan ng vitamins at tubig dahil 88% ng gatas ay tubig.