Mga kababaihan sa barangay nagseminar sa cancer awareness

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

BATANGAS CITY- Kaugnay ng observance ng Cancer Awareness Month ngayong Oktubre, dumalo sa Breast-Cervical Cancer Awareness and Screening Seminar ang mga kababaihan sa cluster 1 at 2 ng Poblacion, na binubuo ng 11 barangay.

Layunin ng seminar na ito na itinaguyod ni Mayor Beverley Rose Dimacuha at sa pangangasiwa ng Kalipunan ng LIping Pilipina (KALIPI) na mabigyan ng kaalaman ang mga kababaihan kung ano ang mga sintomas ng breast cancer at kung papaano ito maiiwasan.

Sa datos ng City Health Office (CHO), ang lahat ng klase ng cancer ang isa sa mga nangungunang dahilan ng kamatayan sa lungsod.

Ayon kay Dr. Liza Gonzales ng CHO, bagamat ang bukol ang isa sa mga sintomas ng cancer, maliit na porsiyento lamang ng mga bukol ang nagiging breast cancer. Ngunit kung may madiskubreng bukol, agad itong ipatingin sa duktor sapagkat ang tagumpay sa paggamot ng cancer ay nakasalalay sa maagang diagnosis.

Sinabi naman ni Lucia Rosuello, Nurse II ng CHO ang hindi pag-eehersisyo, pag-inom ng alak, pagiging overweight , pag-inom ng partikular na klase ng oral contraceptive na pills, ang unang pagbubuntis sa edad na 30 pataas ay ilan lamang sa mga bagay na nakakataas ng risk ng pagkakaroon ng breast cancer. Paalala pa rin ng CHO na gawin kada buwan ang breast self-examination isang lingo matapos ang buwanang dalaw. Kailangan kumunsulta kaagad sa doktor kung may bukol sa suso. (PIO Batangas City)