Mayor Dimacuha at Cong. Marino walang kalaban sa kanilang reelection bid

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Walang naghain ng kandidatura upang labanan ang reelectionists na sina Mayor Beverley Rose Dimacuha at Batangas 5th District Rep. Marvey Marino hanggang sa huling araw ng filing ng certificate of candidacy (COC) kahapon, October 17.

Maging si reelectionist Vice Mayor Jun Berberabe ay wala ring makakalaban sa national at local elections sa May 13, 2019.

May 21 naman ang naghain ng COC para sa city councilors kung saan 12 ang nabibilang sa Team EBD ni Mayor Dimacuha.

Sa probinsiya, dalawa ang makakatunggali ni incumbent Governor Hermilando Mandanas sa pagka gobernador..

Muling maglalaban upang masungkit ang kanilang dating pwesto sina dating Bise-Gobernador Mark Leviste at Ricky Recto.

Kandidato pa rin sa pagka bokal ng ika-5 distrito (Batangas City) sina bokal Claudette Ambida at Bart Blanco. Naghain din ng kandidatura dito si dating Boardmember ng 2nd District na si Atty Edwin Sulit.

Ayon kay City Election Officer Grollen Mar Liwag, naging mapayapa at wala silang naging problema sa filing ng COC na nagsimula noong October 11.

Naging maganda rin aniya ang turn-out ng nagdaang registration dahilan sa ginawa nilang satellite registration sa mga barangay. Malaking bilang ng mga ito ay nag transfer at nagpa reactivate.

Magsasagawa sila ng registration board hearing sa October 25 para sa mga nagparehistro hanggang September 29. Aalisin nila sa voter’s list ang mga hindi nakaboto at yaong mga nagtransfer sa ibang bayan. Magpopost din sila sa mga susunod na araw ng pangalan ng mga candidates na nagfile upang macheck ng mga ito kung tama ang mga impormasyong napalagay.

Sinabi rin ni Atty. Liwag na magsisimula na sila ng preparation ng mga machines at balota para sa automated elections. Inihahanda na nila ang book of voters kung saan inaayos nila ang mga listahan ng mga boboto.

Ang election period ay magsisimula mula January 13 hanggang June 12. Magsisimula ang campaign period sa February 12 para sa mga senatorial at party- list candidates at sa March 30 naman para sa local candidates. (PIO Batangas City)