Ilang Taal evacuees sa Batangas City tinulungang maging magsasaka upang kumita

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg


Nang sumabog ang Bulkang Taal noong ika-12 ng Enero, sumabog din ang kabutihan ng mga Batangueno na buong pusong tumulong at nagbigay ng pag-asa sa mga naging biktima ng trahedyang ito.

Patunay nito ang kwento ng pamilya ni Jessa Agustin na lumikas sa Batangas City mula sa bayan ng Taal.

Ayon kay Jessa, ang kanyang pamilya ay nakikitirik lamang ng kanilang tahanan sa isang pribadong lote sa Taal. Ang kanyang ama ay drayber ng backhoe, ang kanyang ina ay simpleng maybahay at siya naman ay nagtatrabaho bilang saleslady. Sila ay anim na magkakapatid at ilan sa mga ito ay may sarili ng pamilya..

Ilang araw makalipas ang pagputok ng bulkan, sila ay lumikas sa Batangas City sa barangay Libjo Lamao, kung saan sila ay kinupkop ni dating Konsehal Armando Lazarte. Unang kinalinga ni Lazarte ang kapatid ng ama ni Jessa. Dito ay pinayagan silang manirahan hanggang sa kasalukyan sa kubo na matatagpuan sa isang ektaryang lupain ng dating konsehal. Kasama nila dito ang isa pang pamilya na mga bakwit din.

Ang nasabing farm ay nagsilbing paraan upang maging produktibo ang kanilang pagtigil dito. Ang lupain ay may mga tanim na prutas at gulay ni Lazarte na likas na mahilig magtanim. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa tulong na ipinagkaloob sa kanila, ginugol nila ang kanilang panahon sa pagtatanim dito ng mga prutas at gulay kagaya ng kamatis, sili, talong at sitaw. Sa tulong ng programa ng pamahalaang lungsod ay naararo ng traktora ang taniman.

Ngayong Biyernes, February 28, inani nila ang tanim na pakwan ng dating Konsehal kung saan ang kanilang napagbentahan ay gagamitin nila bilang panimula at pang ayuda sa kanilang araw araw na pangangailangan.

Tinuruan din sila ni Lazarte sa paraan ng pagbebenta ng mga produkto.

Nakarating sa pamahalaang lalawigan ng Batangas ang kanilang kwento kung kayat inaalok silang lumipat sa ipinatayong evacuation center na bayan ng Ibaan at gawing modelo ng pagkakaroon ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagtatanim.

“Mapalad po kami at sobrang saya po namin na kahit naapektuhan kami ng kalamidad, may tumulong po sa amin at may natagpuan kaming mga taong may mabubuting kalooban,” sabi ni Jessa.

Nagpaabot ng pasasalamat si Lazarte sa lahat ng mga Batanguenong tumulong sa mga evacuees. Payo niya na pagyamanin ang mga hindi napapakinabangang lupa at turuan ang mga kabataang magtanim.

Masasabing naniniwala si Lazarte sa kasabihang, “ Bigyan mo ng isda ang isang tao at mapapakain mo siya sa isang araw; turuan mo siyang mangisda at mapapakain mo siya habang buhay.”