Problema sa gadget ng mga guro at mag-aaral, tinugunan ng pamahalaang lungsod

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Tinugunan ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang problema ng mga guro at mag-aaral na walang pambili ng laptop at tablets na gagamitin sa “blended distance learning” sa darating na pasukan.

Binigyan ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ng tig- iisang laptop ang 2300 guro at school heads at tig-iisang tablet ang 25,000 mag-aaral mula grade 7 hanggang grade 12 ng mga pampublikong paaralan.

P 406 M ang pondong inilaan ni Mayor Dimacuha para dito. Itinurn- over ang naturang mga gadget sa Schools Division of Batangas City noong August 19.

Dahil na rin sa pagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ng face-to-face classes habang wala pang vaccine laban sa COVID-19, binigyang diin ng Punonglungsod na napakahalaga ng mga gadgets na ito sa bagong sistema ng edukasyon.

Ayon kay OIC Dep Ed Superintendent Dr Zaldy Bolanos, sa kanyang pagkakaalam, tanging ang pamahalaang lungsod ng Batangas lamang sa lalawigan ang nagkaloob ng mga laptop at tablet sa mga guro at mag-aaral.

Ang mga tablets ay may security features upang masiguro na gagamitin lamang para sa educational purposes.

Bago ipamahagi ang naturang mga gadget, ilalagay na ang modules na pag-aaralan ng mga estudyante.

Tulad ng mga aklat, responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na ingatan ang mga tablet sapagkat sila ang may pananagutan sakaling masira ang mga ito.

Sa pagtatapos ng klase sa Hunyo, kailangang ibalik ng mga mag-aaral ang mga tablet upang magamit ng iba pang estudyante sa susunod na taon.

Inaasahan ang distribusyon ng mga ito bago magsimula ang klase sa October 5. (PIO Batangas City)