Final testing at sealing ng VCMs, isinagawa

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Bilang bahagi ng paghahanda sa darating na 2022 local at national elections sa May 9, nagsagawa ng final testing at sealing (FTS) ng vote counting machines (VCMs) sa mga polling centers sa lungsod ngayong araw, May 4. Layon ng FTS na masigurong gumagana ng maayos ang makina upang maiwasan ang anumang uri ng aberya gaya ng pagkaantala o pagkasira ng VCM sa mismong araw ng eleksyon. Kahit dumaan na sa preliminary logic accuracy test ang mga makina, kinakailangan pa din na dumaan ang mga VCM sa FTS.

Sa naturang final testing, binuksan at ininstall ng electoral board ang mga makinang gagamitin sa automated elections at siniguro kung kumpleto ang mga kagamitan gaya ng thermal paper, at adaptor ng VCM pati pen na gagamitin ng mga botante. Kasama rito ang initialization report na nagpapatunay na ‘zero’ o wala pang laman ang VCM bago gamitin. Matapos ang buong proseso, ibabalik sa zero ang VCM at muli itong seselyuhan at saka bubuksan sa araw ng halalan.

Mula sa 339 VCM’s, lima dito ang depektibo at for replacement. Ang mga ito ay sa barangay Poblacion 10, Maapaz, Mahacot, Dela Paz at Pallocan West. Kaagad itong ginawan ng report ng mga Board of Election Inspectors (BEI) at isinumite sa COMELEC. Binigyang diin ni City Election Officer Att. Jonathan Carungcong 90% na ng mga VCM’s ang natest at nakipag-ugnayan na sila sa kinauukulan at sinigurong mapapalitan ang mga makina sa loob ng 24 oras.

“Kapag may problema sa SD card, dadalhin namin ito sa Provincial Election Supervisor (PES) at kapag VCM naman, ididiretso namin sa Sta Rosa,”sabi ni Atty. Carungcong. Magpapatuloy ang FTS sa buong bansa hanggang sa May 7.

Bukod sa mga VCM’s , naideliver na din ang mga official ballot na gagamitin sa eleksyon sa Treasurer’s Office. Hinikayat niya ang 220, 199 registered voters sa Batangas City na bumoto at hangad niya ang isang honest at peaceful election sa lungsod. (PIO Batangas City)