Committee on Transportation Hearing

  pic1.jpg

Nagpatawag ng committee hearing ang Committee on Transportation sa pangunguna ng chairman nito na si Councilor Oliver Macatangay upang dinggin ang ilang hinaing at bigyang pansin ang suhestyon ng mga mananakay upang mas mapabuti ang lagay ng trapiko sa lungsod ng Batangas.

Dumating sa naturang pagpupulong ang mga kinatawan ng Bauan, Balete, Balagtas at Capitolio-Hospital transport groups.

Sa panig ng pamahalaang lungsod, dumating sina Engr. Francis Beredo, asst. department head 1 ng Transportation Development and Regulatory Office (TDRO), P/Supt. Barnard Dasugo ng Batangas City PNP at mga miyembro ng Committee on Transportation na sina kagawad Macatangay, Angelito Dondon Dimacuha, Julian Villena, Gerry Delaroca at Armando Lazarte.

Dumalo rin sa hearing sina Vice-Mayor Jun Berberabe, Councilors Alyssa Atienza, Sergie Atienza, Aileen Montalbo, Hamilton Blanco at Nestor Boy Dimacuha.

Isa sa napagusapan ay ang hiling ng samahan ng byaheng Capitolio Hospital na ibalik ang dati nitong ruta na ginagamit nila simula noong taong 2011. Anila, ito ay nabago noong bumagsak ang tulay ng Calumpang noong 2014 at nang magawa ang naturang tulay, hindi na ito ibinalik sa dati. Ayon sa sulat na ipinadala ng samahan sa nasabing committee, nahihirapan umano silang kumuha ng pasahero sapagkat malayo ang sakayan ng mga pasahero sa bago nitong ruta.

Nagsalita naman ang commuter na si Gng. Brigida Remolana na naglalakad pa umano sila ng malayo at kung minsan ay nagdadalawang sakay pa sila para lamang makasakay ng jeep. “Doble gastos ito sa amin at ang abala sa panig naming may edad na,” ani Remolana

Ipinaliwanag ni Engr. Beredo na ayon sa kanilang pag-aaral, dahil sa dami ng volume ng sasakyan na dumaraan, ang bagong ruta ang akma para sa ikaluluwag ng trapiko sa parte ng Kumintang paikot sa Pallocan.

“Yung tungkol naman sa layo ng sakayan ng mga pasahero, naglagay na kami ng loading at unloading area sa may Batangas Medical Center para sa convenience ng mga mananakay. Kaya lamang, nagtataka kami kung bakit ito ay ipinatigil ng barangay,” dagdag ni Beredo.

Napagkasunduan ng komite na tawagan ng pansin ang barangay na nakakasakop dito at ipaliwanag na may kapangyarihan ang TDRO na maglagay ng loading at unloading zone para sa ikaaayos ng trapiko sa kanilang lugar.

Nagharap din sa committee hearing ang Bauan at Balete transport groups dahilan sa reklamo ng samahan ng Balete hinggil sa umano’y out of line ng mga byaheng Bauan na kinukuha ang mga pasahero ng Balete papuntang grand terminal.

Ayon kay Rogelio Macatangay, presidente ng Balete transport group, wala aniyang karapatan ang mga byaheng Bauan na maghatid ng pasahero sa terminal.

“Ang kanilang byahe ay mula grand terminal hanggang Bauan lamang, hindi bayan hanggang terminal. Sa dami ng kanilang mga namamasada, halos 400, kaming mga taga-Balete ay 44 lamang, talong-talo naman kami. Dumarating pa ang punto na halos araw-araw ay nagaaway na ang mga driver para lamang sa agawan ng pasahero. Kung mapapansin ninyo sa diversion, may terminal na ng Bauan papuntang grand terminal. Paano naman kaming mga taal na taga-lungsod kung hindi ito magagawan ng paraan,” dagdag ni Macatangay.

Sinabi ni Beredo na binigyan ng karapatan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang byaheng Bauan na bumiyahe mula grand terminal hanggang bayan at pabalik.

“Ito ay legal na byahe ng Bauan. Kung hindi sila magassakay, sila naman ang pwedeng ireklamo sa LTFRB. Subalit ang paglalagay ng terminal sa may diversion, ito ang bawal. Hinihingi naming ang tulong ng PNP na hulihin ang mga dispatcher at barker ng mga illegal na terminal na ito sapagkat wala kaming kapangyarihan sa apprehension nila. Pulis lamang ang may karapatan dito. Sana ay maliwanagan ito ng dalawang panig,” pagtatapos ni Beredo.

Ipinaalala naman ng komite kay Beredo ang kopya ng amendments ng Traffic Ordinance ng lungsod. Aniya, naisinumite na nila ito sa tanggapan ni City Legal officer Teodulfo Deguito para sa revisions at maaaring bago matapos ang taon ay maayos na ito para sa implementasyon.