Linggo ng Kabataan 2023 activities, kasado na

  1.jpg

Ibat-ibang gawain ang inihanda ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng lungsod sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan (LNK) 2023 mula August 12 hanggang September 2 na may temang “Green Skills for Youth: Towards a Sustainable World”.

Ayon kay Local Youth Development Officer Nelbert Magbanua, itinatakda ng Republic Act 10742 o ng Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 ang pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan bilang pagbibigay halaga sa mga kabataan.

Kaalinsabay aniya nito ang selebrasyon ng International Youth Day.
Magsisimula ang selebrasyon sa August 12 sa pamamagitan ng parada sa ganap na ikaanim ng umaga mula sa Plaza Mabini patungo sa Batangas City Sports Center.

Ito ay lalahukan ng mga SK officials, mga kabataan mula sa ibat-ibang barangay at mga myembro ng City Youth Development Council.
Magkakaroon aniya ng contingency competition habang isinasagawa ang parada.

Isang thanksgiving mass ang idadaos bago isagawa ng Indak Ala-Eh!: LNK Dance competition.

Habang ginaganap ang Amazing Race, mayroon ding Personality Development Seminar para sa mga hindi kasali sa mga kompetisyon.

Ilan pa sa mga nakalinyang gawain ay ang Youth Forum sa August 13, Angat Kaalaman Quiz Show sa August 15, LagabLove: Witnessing the Journey of LGBTQIA+ members, Awitn/Tugtugan at Kwentuhan sa August 17, Fire Olympics sa August 19 at Tree Planting activity sa August 20.

Mula August 14-18 isasagawa ang City Youth Officials kung saan uupo ang mga nahalal na kabataan sa Youth Forum bilang little Mayor, Vice-mayor, mga konsehal at maging Congressman.

Highlight ng selebrasyon ang SK Got Talent Season 5 kung saan may pagkakataong maipakita ng mga kabataan ang kanilang angking talento.
Gaganapin naman sa September 2 ang pagpili sa Lakan at Lakambini ng Kabataan.

“Inaanyayahan namin at hinihingi ang kooperasyon ng mga kabataan sa mga nabanggit na gawain dahil ito ay pagkilala at pagpapahalaga sa lahat ng kabataan ng lungsod, ” sabi ni Magbanua.

Nagpasalamat din siya sa tulong at suportang ipinagkakaloob ni Mayor Beverley Dimacuha para sa ikapagtatagumpay ng LNK activities.
Ang LNK ay pangangasiwaan ng Panglungsod na Pederasyon ng Sangguniang Kabataan katuwang ang Local Youth Development Office (LYDO).

(PIO Batangas City)