Registration of Ownership of Agri & Fishery Machinery & Equipment, ipatutupad

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Inaatasan ang lahat ng mga pampubliko at pribadong may-ari ng mga agri at fishery machinery at equipment sa Batangas City na iparehistro ang mga ito alinsunod sa Ordinance No. 22-2 S 2024 o ang Ordinance Adopting Republic Act No. 10601 o ang Agricultural and Fisheries Mechanization Law (AFMECH).

Ayon sa Hepe ng Agricultural & Biosystems Engineering Division ng City Agricultre Office (CAO) na si Engr. Donna Lumanglas, ang naturang batas ay naipasa noong Pebrero ng taong kasalukuyan bilang pagsunod sa mandato ng Joint Memorandum Circular 2018-02 ng Department of Agriculture (DA at Department of Interior and Local Government (DILG) - National Guidelines on the Registration of Ownership of Agricultural and Fisheries Machinery and Equipment.

Kaugnay nito, nagsagawa ang kanilang tanggapan ng orientation seminar ngayong araw hinggil dito para sa unang batch na dinaluhan ng mga kinatawan ng 33 barangay sa lungsod. Nagsilbing resource speaker ang Science Research Specialist mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) na si Engr Louie Gonzales.

Ipinabatid niya ang layunin ng nasabing registration partikular ang hangarin ng DA na magkaroon ng national database at upang magkaroon ng ownership sa mga makinarya. Maaari din nilang gamitin ang mga ito bilang collateral sa bangko at maaaring makatanggap ng insurance mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Maaari din silang makatanggap ng mga subsidiya o insentibo mula sa gobyerno. Ang mga kinakailangang iparehistro ay ang mga LGU owned machineries, mga grant mula sa DA at maging ang mga pribadong indibidwal, asosasyon, kooperatiba at negosyo na nagmamay ari ng agri at fishery equipment.

Magkakaroon din aniya ng orientation para sa mga supplier, distributor, dealer at manufacturer upang sila na ang magrehistro sa mga bagong bibilhing makinarya. Binigyang diin ni Engr. Lumanglas na ang registration ay libre at sila mismo aniya ang pupunta sa mga barangay upang magsagawa ng pagpaparehistro.

Gagabayan nila ang mga konsernadong indibidwal sa pagsasagot sa form na naglalaman ng owners information at machine profile.
Hiniling naman ni City Agriculture Officer Flora Alvarez ang pakikiisa at suporta ng mga barangay sa naturang gawain. Nagbigay ng mensahe ang Chairman ng Committee on Agriculture Sangguniang Panglungsod na si Councilor Ched Atienza at syang may-akda ng nabanggit na ordinansa kung saan nangako siya ng patuloy na suporta sa mga proyekto at programa para sa kagalingan ng mga magsasaka at mangingisda sa lungsod.
Tinalakay ni Engr. Razelle Joy Arcasitas ang methodology o magiging sistema ng registration na magsisimula sa buwan ng Setyembre.
Nagkaroon din ng open forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga participants na makapagtanong. (PIO Batangas City)