Batangas City Grand Terminal Update

 
 


Binigyang linaw ni Mr. Apolinario Salazar, tumatayong administrator ng Batangas City Grand Terminal, ang paniningil ng collection fees ng Batangas Ventures Properties and Management Corporation (BVPMC), developer ng terminal, simula noong May 23 sa mga bus, jeep at tricycle na gumagamit ng terminal at ang pagtutol ng mga operators at drivers nito sa nasabing fees.

Ayon sa kanya, ang collection fees na ito ay bahagi ng return on investment at hindi pa profit-oriented kapalit ng development ng terminal at mga serbisyong kanilang ipinagkakaloob sa mga pumupunta dito.

Wala aniyang nilabag ang BVPMC sa kanilang pinirmahan na contract of lease sa pamahalaang lungsod noong nakaraang taon. Ang ganitong kalaking proyekto ay isang multi-million peso project at wala naman silang nakuhang ayuda mula sa local at national government para gastusin sa operasyon ng ganitong kalaking terminal.

Ayon pa kay Salazar, anim na buwan silang hindi naningil upang bigyan ng sapat na panahon ang mga operators na gamitin ang terminal. Sa anim na buwang iyon, inayos nila ang kapaligiran nito. Nagtayo sila ng temporary terminal. Inayos ang mga comfort rooms, nagkaroon ng maayos na waiting area, food stalls at maging mga karsada ay inayos nila.

Ang BVPMC ang nag-abono sa lahat ng bayarin kagaya ng tubig, koryente, maintenance, security bukod pa ang upa sa Batangas City Government na nagkakahalaga ng P225,000 kada buwan

“Lahat ito, gastos ng Batangas Ventures. Wala kaming kinukuha sa bulsa ng mamamayan sapagkat ang grand terminal naman ay walang entrance fee na sinisingil,” dagdag pa ni Salazar.

Aniya, ang unang proposal nila para sa paniningil sa mga bus ay nagkakahalaga ng P110 at ang bawat arrival ay P50. Subalit tinutulan umano ito ng ibang operators at sa pamamagitan ng intervention ng City Mayors Office, ito ay naging P70 na lamang samantalang ang arrival ay naging P25 na lamang.

“Kung kukuwentahin natin, ang sitting capacity ng isang bus ay 49 passengers, wag na nating isama ang standing. Halos piso lamang kada isang pasahero ang mababawas sa kanila. Ano ba ang kapalit? Convenience, at safety ng kanilang mga pasahero. Una po, ito ay negosyo. Wala na pong libre ngayon. kahit po saang lugar tayo magpunta sa Pilipinas, may bayad na ang lahat ng bagay.”

Sa jeepneys naman, P20 ang limang oras na pagtigil hanggang mapuno ang kanilang sasakyan samantalang walang bayad ang mga sibat o yaong mga nagbababa lamang ng mga pasahero.

Nananatiling walang bayad ang mga private vehicles na naghahatid at sumusundo lamang ng mga pasahero.

Sa panig naman ng tricycle, kailangang sumunod sila sa batas trapiko at regulasyon ng grand terminal. Sinisingilan nila ito ng P10 kada pasok upang madisiplina ang mga driver na pasaway.

Binigyang diin din ni Salazar na ang maaaring madagdagan pa ang mga collection fees nila oras na matapos nang tuluyan ang terminal.

“Tao ang panalo rito. Kasi dati ang maintenance ng terminal ay umaabot sa P10M kada buwan. Ngayong dumating kami, na-relieve ang gobyerno sa bayaring ito at kumita pa sila sa pamamagitan ng upa na aming binabayaran. Bukod dito, tumutulong rin kami to create jobs, employment and to give convenience to the riding public. People should appreciate what the government is doing for them.”

Pinipilit na matapos ang phase 2 ng Batangas City Grand Terminal bago magsimula ang Christmas Season ng taong ito upang ma-maximize ang potensiyal nito bilang pangunahing terminal sa rehiyon. (PIO Batangas City)