BFP sinisiguradong ligtas sa sunog ang malls at iba pang establishments

  1.jpg

BATANGAS CITY Sinabi ng hepe ng Batangas City Bureau of Fire Protection na si SInsp. Glenn Salazar na sinisiguro nila ang kaligtasan ng mga malls sa lungsod sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Fire Code of the Philippines sa kanilang mga Fire Safety Inpection Certificate (FSIC) at “periodic inspection” ng mga ito upang malaman kung sila ay tumutupad sa mga regulasyon.

‘’Kailangang ang building ay compliant 24/7. Kung ano lang ang occupancy load, yun lang ang i me maintain,” sabi ni Salazar.

Mahalaga aniya sa mga malls na maseguro na lahat ng papasok ay makakalabas. Tinatagubilinan niya ang mga establishments na maglaan ng sapat na daraanan para sa mga mamimili lalo na kung may sale.

Sinabi din niya na malayong mangyari ang sunog na naganap sa NCCC Mall sa Davao City sa mga malls sa lungsod. Ang mga malls dito ay mercantile type na dedicated sa mall lamang hindi katulad ng sa NCCC na may call center na nagooperate kahit sarado o tapos na ang mall hours.

Ayon pa rin sa kanya, “mangilan ngilan na lamang na business establishments ang nasa proseso ng compliance at hopefully sa loob ng tatlong taong aking panunungkulan ay maging 100% compliant na ang mga ito.” Sinisigurado rin nila na ang mga matataas na buildings na mahina na ang structural integrity ay makasunod sa fire safety rules para sa kaligtasan ng mga occupants.

Bunga ng kanilang patuloy na fire prevention campaign, bumaba ng 41% ang fire incidence sa loob ng tatlong taon simula 2015.

Dahilan sa maigting na kampanya ng pamahalaan laban sa paggamit ng mga paputok at pagtatalaga ng designated fire cracker area, wala ring sunog dahil sa paputok ang naganap sa pagsalubong sa Bagong Taon sa loob ng apat na magkakasunod na taon.

Pangunahin aniyang dahilan ng sunog kapag summer ay ang residential fires na dulot ng open flame, na ayon sa kanilang tala ay kalimitang nagaganap sa pagitan ng alas onse ng umaga at alas dos ng hapon dahil sa matinding init. Kung kayat ipatutupad nila ang Advance Local Emergency Response Team o ALERT program.

Siniguro din niya na mabilis ang kanilang pagpoproseso at pag-iisyu ng FSIC lalo na kung kumpleto na ang mga dokumento ng establishment. Isang buwan bago ang expiration nito, binibisita na agad ng kanilang personnel ang mga establishments upang ipaalaala ito sa kanila.

Idinagdag pa ni Salazar na sa kanilang pakikipag-ugnayan sa First Gen Corporation, may 120 kinatawan ng simbahang Katolika sa lungsod na binubuo ng mga lay ministers at mga pari ang bibigyan nila ng tatlong araw na pagsasanay sa basic disaster preparedness.

Kailangan aniyang maging involved ang buong komunidad upang maging epektibo ang kanilang fire safety campaign kasama na rito ang mga simbahan na ginagamit din minsan bilang evacuation area kung may kalamidad.

Mas paiigtingin pa ang programang Junior Fire Marshall upang higit na mapalaganap ang kanilang mga programa sa mga mag aaral ng ibat-ibang paaralan sa lungsod at magpapatuloy din ang kanilang ahensya sa pagsasanay ng mas maraming mga fire volunteers. (PIO Batangas City)