Samahan ng mga kababaihan itinalagang civil registration agents

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

BATANGAS CITY- Isang samahan ng mga kababaihan ang itinalagang civil registration agents ng City Civil Registrar’s Office (CRO) upang maging katuwang nila sa pagpapalaganap ng pagrerehistro. Kaugnay nito, humigit kumulang sa 50 presidente ng Kalipunan ng Liping Pilipina o KALIPI ng ibat-ibang barangay sa lungsod ang nanumpa bilang mga civil registration agents ng CRO.

Bago ito ay dumalo ang mga nasabing KALIPI presidents sa Seminar on Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) and Manual of Instruction on Republict Act 9255 na idinaos ng CRO sa OCVAS Training Room noong ika-28 ng Mayo.

Ayon kay City Civil Registrar Josephine Maranan, nais nilang pagtuunan ang pagpapatupad ng R. A. No. 9255 kung saan pwedeng gamitin ng isang illegitimate child o yaong hindi kasal ang magulang, ang apelyido ng kanyang ama kung siya ay tinatanggap na anak ng kanyang ama at may katunayan na ang ama ay pumapayag na gamitin ng kanyang anak ang kanyang apelyido.

Subalit sa ilalim ng Revised Implementing Rules and Regulations Governing the Implementation of Republic Act No. 9255 o An Act Allowing Illegitimate Children to Use the Surname of their Father, kinakailangan ang pirma ng ina kung ito ay pumapayag dito. Kung ang bata ay 0-7 taong gulang, ang ina ang siyang magsasagawa ng Affidavit to Use the Surname of the Father (AUSF).

Kung ang bata ay edad 7-17 taong gulang, ang bata ang mag e execute ng AUSF dahilan sa siya ay itinuturing na nakakaintindi na subalit kailangan ng attestation o permiso ng ina. Ang mga edad na 18 taong gulang na at pataas, ang siya ng mag e execute ng AUSF kahit na walang attestation ng ina.

Binigyang diin ni Maranan na kailangang isagawa ang pagpirma sa AUSF sa kanilang tanggapan upang maseguro na ito nga ay pinirmahan ng may pagpayag ng mga taong may kinalaman dito. Sinabi rin ni Maranan na “layunin nilang makamtan ang Ambsiyon 2040 na hinahangad ang mapanatag, masagana at magandang pamumuhay ng bawat Filipino at mahalagang bahagi nito ang rehistro at statistika.”

Ayon naman kay Raul Maximo Tolentino, officer- in- charge ng Provincial Statistics Office, hangad nila na mabigyan ng sapat ng kaalaman ang mga civil registration agents upang maayos nilang maipaliwanag sa kanilang mga ka barangay ang mga bagong kauutusan ng Korte Suprema hinggil sa kahalagahan ng legitimation. Mahalaga aniya ito sa succession rights upang magkaroon ng patas na karapatan ang bata.

Dumalo sa naturang okasyon si Mayor Beverley Rose Dimacuha na nagpakita ng suporta at naniniwala sa pwersa ng mga kababaihan sa malaking tulong ng mga ito sa ikapagtatagumpay ng naturang gawain.

Binigyang diin naman ni City Social Welfare and Development Officer Mila Espanola sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng civil registration sa pagproseso ng dokumento ng mga kliyente ng kanilang tanggapan.(PIO Batangas City)