Tanduay Athletic s hataw sa paghahanda sa 2nd season ng MPBL

  1.jpg 2.jpg

Lubos lubosan ang paghahanda ng Batangas City Tanduay Athletics team sa muling pagsabak nito sa 2nd Season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup na magbubukas sa June 12 sa Araneta Coliseum at patuloy itong sinusuportahan ng pamahalaang lungsod.

Naging kampeon ang Batangas City laban sa siyam na teams sa unang season ng liga. At sa muling pagbubukas ng liga, 25 koponan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ang makakatunggali nito.

Ayon kay Congressman Marvey Mariño, napalakas ng liga ang sports development program ng lungsod at nakilala ang husay ng mga manlalarong taga rito kagaya ni Marbin Macalalad. “Thank you sa partnership with Tanduay, dahil ito ay nagbukas sa maraming oportunidad para sa Batangas City. Nakilala ang lungsod dahil napi-feature ito sa bawat bayan kung saan may laro ang team, investors are coming in, at ang mga local players namin ay nagpapaka husay para sila ay mapasama sa team,” dagdag pa ni Cong. Mariño.

Sinabi naman ni coach Mac Tan ng Batangas City Team na mahaba ang liga ngayon na tatagal hanggang Abril, 2019, kung saan ang bawat isang team ay maglalaro ng 25 elimination games. “Mahalaga ang pag-aalaga sa mga players, kaya’t tiniyak naman na hindi lamang physically, but also mentally prepared sila. Kami dito sa team ay very open, anuman yung kailangan o problema nila ay aming pinag uusapan, para maayos at maka focus kami sa practice at sa laro,” dagdag pa niya.

Kinumpleto rin aniya ang 20 manlalaro sa koponan kung saan napadagdag dito sina dating Kia player na si Bong Galanza, PBA D-Leaguer Sandy Cenal at Lucas Tagarda ng University of the East.

Nakatakda ang unang laro ng Batangas City Tanduay team laban sa Quezon City sa June 14 na gaganapin sa Caloocan City, at sa July 10 naman ay dito sa Batangas City Sports Coliseum. (PIO Batangas City)