Latest sa hair and makeup nakita sa LGBTQIA-SILBI’s Aura-Ala-Eh

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Ang lahat ng mga hair at makeup artists na nabibilang sa LGBTQIA-SILBI community sa Batangas ay nagkatipon tipon at nagpagalingan sa kanilang larangan kahapon, March 4 sa tinaguriang Aura-Ala-Eh! sa Batangas City Sports Coliseum

Ayon sa award- winning hair and makeup artist na si Ariane Gamboa at tumatayong pangulo ng samahan, layunin ng kanilang proyekto na mabigyan ng pagkakataong makilala at maishowcase ang husay at galing ng kanilang mga myembro at maitaas ang antas ng pagtingin sa kanila sa lipunang kanilang ginagalawan.

Apat na categories ang pinaglabanan ng mga participants kung saan nagwagi sa Ladies Haircut and Blowdry category si Raymart Bagtas mula sa Batangas City.

Nanalo naman sa Commercial make-up category si Alberto Aguila ng Batangas City..

Mula naman sa bayan ng Bauan si Kenny Aquino na nagkamit ng unang gantimpala sa Men’s Haircut and Blowdry habang si Raul Medrano ang kampeon sa Bridal makeup.

Lahat ng nagwagi ay tumanggap ng P 10,000 cash at trophy.

Tinanghal na overall champion si Raul Medrano kung saan siya ay nagkamit ng P 15,000 na cash prize at trip for two to Thailand. Siya rin ang magiging kinatawan ng samahan sa mga national competition.

Naging batayan sa pagpili ng mga nagwagi sa commercial at bridal make up ay ang make up techniques at color blending, hairstyling creativity at total look habang sa Men and Ladies Haircut and Blowdry naman ay creativity, technical mastery at total look.

Nagsilbing hurado dito sina Edwin Samot, Andy Pasion, Jackie Rivera, Vianney Guese, Dennis Santos at Hanz Olivar, pawang mga batikan at award winning hairstylists sa bansa.

Nagbigay ng tips at advice ang mga hurado sa tamang paraan ng paggupit at pagmamake up partikular sa blending, contouring at highlighting. Mahalaga anila na malinis at pulido ang pagkakagawa.

Ang Aura Ala-Eh! Ay isang fund -raising project ng samahan kung saan ang kikitain mula dito ay gagamitin nilang pondo bilang pang ayuda sa kanilang mga myembro gayundin sa mga susunod nilang proyekto.

Isang fashion show din ang isinagawa kinagabihan kung saan tampok ang mga bridal gowns, evening gowns at Filipiniana gowns na likha ng mga pamosong designers sa lalawigan sa pangunguna ni Renee Salud.

Nagsilbing mga modelo ang ilang mga beauty queens gayundin ang ilang myembro ng Team EBD na sina Coun. Aileen Montalbo, Coun. Alyssa Cruz at Boardmember Claudette Ambid gayudin ang mga tatakbong konsehal sa sina Aleth Lazarte at Ched Atienza.

Lubos ang pasasalamat ng LGBTQIA-SILBI na may halos 400 miyembro kay Mayor Beverley Rose Dimacuha at sa pamahalaang lungsod ng Batangas sa suportang ipinagkaloob upang maisakatuparan at maging matagumpay ang kanilang proyekto. (Ronna Endaya Contreras)