Error
  • JFolder: :files: Path is not a folder. Path: /home/batangas/public_html/web/images/News/2019/May30/b

Cash for Work Pay out, isinagawa

 

BATANGAS CITY Tinanggap na ng 330 Climate Change Adaptation and Mitigation (CCAM) Risk Resiliency – Cash for Work project beneficiaries ang kanilang sweldo mula sa sampung araw nilang pagtatrabaho mula ika-8 hanggang ika-22 ng Mayo.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga solo parent, senior citizen, out of school youth, person with disability, surrenderer at pantawid pamilyang pilipino program o 4P’s beneficiaries at yaong naapektuhan ng kalamidad partikular ng lindol noong 2017 sa labingwalong barangay sa lungsod.

Ayon kay City Social Welfare and Development Officer Mila Espanola, layunin ng nasabing proyektong ito na nasa ilalim ng Batangas City Socio-Economic Enhancement and Environment Protection Program na matulungan ang mga nabibilang sa pamilyang higit na nangangailangan na mabigyan ng karagdagang pagkakakitaan.

Naglaan ang Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) ng P 937,200,000 para sa implementasyon ng proyektong ito na isinagawa sa ikalawang pagkakataon.

Bawat beneficiary ay tumanggap ng halagang P 2,480 o 75% ng prevailing daily wage rate.

Idinagdag pa ni Espanola na Enero pa lang ay nagsimula na ang CSWD na mag identify ng mga beneficiaries at bago magsimula ay nagkaroon ng orientation sa mga ito kasama ang mga kinatawan ng City Environment Office, City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) at Office of the City Veterinarian and Agricultural Services (OCVAS).

Sa loob ng sampung araw, naglinis ng kapaligiran at nagtanim ang mga beneficiaries ng ibat-ibang gulay, shrubs, herbal o medicinal plants sa tabi ng child development center, health center, lying-in center, day care center at maging sa riverbanks. Ang bawat grupo ay binubuo ng 10-12 myembro sa bawat barangay.

Kahit tapos na ang 10 araw na pagtatrabaho, maaari nilang maibenta ang bunga ng kanilang mga pananim at maaaring gamitin sa mga feeding program.

Tumanggap din ng bigas at canned goods sa loob ng sampung araw ang pamilya ng mga beneficiaries bilang counterpart ng pamahalaang lungsod.

Ang grupo mula sa barangay Simlong at Mabacong ay sumailalim sa coconut coir production training kung saan ang coconut husk ay ginagawang tali, flower vase, doormat at iba pang produkto.

Nagkaloob ng tulong ang mga barangay sa naturang proyekto sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga kagamitang panlinis at pangtanim, pagpapagamit ng tubig upang magamit sa pagdidilig at iba pang pangangilangan.

Lubos ang pasasalamat ng mga beneficiaries tulad ni Jinalyn Cueto ng barangay Dumantay na gagamitin ang perang natanggap sa pagbili ng mga gamit sa paaralan ng kanyang tatlong anak. Ikinatuwa naman ng kanyang ka-grupo na si Dona Mendoza ang magandang samahang nabuo sa mga araw na sila ay magkakasama.

Ibibigay naman ng out of school youth na si Werren Alcantara ng Sta Rita Aplaya ang kanyang sweldo sa kanyang mga magulang.