Tamang pagkain at ehersisyo ugaliin

  1.jpg


“Kumain ng wasto at maging aktibo, push natin ito” ang tema ng pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong Hulyo.
Layunin nito na hikayatin ang lahat na magkaroon ng healthy diet at physical activities upang maiwasan ang pagdami ng bilang ng mga tinatamaan ng mga non- communicable diseases tulad ng diabetes, sakit sa puso, stroke, cancer at iba pa.

Ayon sa pinakahuling tala ng Dep Ed para sa taong 2017-2018, tumaas ang bilang ng mga kabataan na overweight dahilan sa kawalan ng ehersisyo na bunga ng kahiligan sa paggamit ng mga gadgets.

Ayon kay Nutrition Officer Lucy Manalo, mandato ng Presidential Decree 491 na mapalaganap ang impormasyon hinggil sa wasto at sapat na nutrisyon upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.

Binigyang diin niya ang “Pinggang Pinoy” na dinebelop ng Food and Nutrition Research Institute bilang gabay sa wastong pagkain. Nagbibigay ito ng mga halimbawa ng kakainin sa loob ng isang araw para sa ibat-ibang grupo ng edad , gayundin sa mga buntis o sa mga nagpapasuso. Ang plato ay nahahati sa apat na bahagi at ang kalahati ay binubuo ng mga gulay at prutas, habang ang natitirang kalahati ay para naman sa kanin at isda. Mayroon ding isang baso ng tubig sa gilid upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pag-inom ng sapat na dami ng tubig.

Alinsunod ito sa food guide pyramid na pagkonsumo ng go, gro at glow food. Isinusulong ng Pinggang Pinoy ang masustansiya at balanseng pagkain na pasok sa budget ng isang kumikita ng minimum.

Ipinayo din ni Manalo ang pagtatanim ng mga gulay at prutas sa bakuran at bakanteng lote kung may pahintulot ng may-ari upang may pagkunan ng mga pagkaing ito para sa nutrisyon ng pamilya lalo ng mga bata, makatipid at magkaroon din ng dagdag na kita.

Kaugnay nito, isang symposium ang nakatakdang isagawa sa Batangas City Convention Center sa ika-2 ng Agosto, na dadaluhan ng mga pangulo ng ibat-ibang barangay kasama ang mga myembro ng kanilang Committeee on Health at mga barangay nutrition scholars. Tampok din dito ang awarding ng mga Outstanding Barangay Nutrition Committee at Outstanding Barangay Nutrition Scholar. PIO Batangas City