Street children huwag limusan

  1.jpg

Ipinagbabawal ng Local Task Force at ng kapulisan ng Batangas City ang pagbibigay ng limos sa mga street children at Sama-Badjau alinsunod sa Anti-Mendicancy Law upang maalis ang kanilang kultura ng panlillimos at mahubog sila na maging produktibong miyembro ng komunidad.

Ito ang isa sa mga rekomendasyon ng Local Task Force sa pakikipagpulong sa kanila ng Department of Social Welfare and Development Region 4A sa layuning patuloy na maiangat ang kalagayan at kalidad ng buhay ng mga batang ito. Isang Comprehensive Program for Street Children and Sama-Badjau ang binabalangkas base sa pangangailangan nila at makapagpatupad ng mga bagong programa at serbisyo upang matugunan at higit na maiangat ang kanilang kapakanan.

Ito rin ang nais ipatupad ng kapulisan na nagsasagawa ng rescue ng mga street children partikular ang mga tinatawag na rugby boys kasama ang ilan pang ahensya ng pamahalaang lungsod kagaya ng City Social Welfare and Development Office, City Health Office, Transportation Development and Regulatory Office , Public Information Office at Dept. of Security Services.

Ayon sa Task Force, mas magaling na magkaloob na lamang ng donasyon sa mga social welfare agencies at charitable institutions na nangangalaga sa mga kapospalad na kabataan .

Malimit ireklamo ang mga street children ng harassment ng mga tao kapag hindi sila nabigyan ng limos. Marami sa mga rugby boys ang nagiging panganib sa kaligtasan ng publiko at nakakagawa na rin ng krimen kagaya ng pagnanakaw at iba pa at kung mapapabayaan ay magiging malaking problema ng lipunan sa hinaharap.

Samantala, tinalakay din ng Task Force ang kalagayan ng komunidad ng mga Sama-Badjau na may bilang na 1,325 na indibidwal sa barangay Malitam at 1,470 sa Wawa. Taong 1980s pa ay may Badjau na sa lungsod kung saan sila ay mahusay na tinanggap at binigyan ng pamahalaan ng mga serbisyong para sa kanilang pangangailangan. Nilisan nila ang kanilang tirahan sa Basilan, TawiTawi at Zamboanga upang takasan ang insurgency, kahirapan at pamimirata.
Ilan sa mga issues sa kanila ang personal hygiene at sanitation kung kayat sila ay tinuturuan ng mga field workers ng city government na gumamit ng communal toilets lalo na ngayong ang hindi paggamit ng palikuran o pagdumi ng tao sa paligid ang isang dahilan ng pagbalik ng polio sa bansa. HInihikayat din silang pumasok sa paaralan o mag-aral sa ilalim ng Alternative Leaning System at tanggapin ang mga health services na ipinagkakaloob ng pamahalaan.

Tinuturuan sila ng mga livelihood skills upang matututo silang maging self-reliant at hind imaging dependent sa pamahalaan o kaya ay mamalimos.

Binansagan silang sea gypsy kaya sila ay dating at alis sa isang lugar . Iminungkahing I monitor sila ng mga barangay officials upang malaman ang mga bagong dating at ang kanilang mga activities dito.

Ilan sa kanila ay natututunan ng isabuhay ang kultura at paniniwala ng taga lungsod at nagiging professional kagaya ng pagiging guro at iba pang propesyon.