Pagpasok ng mga eskwela dapat maibalik sa normal ayon kay Sec. Briones

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg


Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang pagputok ng bulkang Taal ay nagdulot ng mga uncertainties sa pagpasok ng mga bata sa kanilang eskwelahan subalit ganon pa man ay dapat maging handa upang maibalik sa normal ang pag-aaral ng mga estudyante.

Dumalo si Briones sa Dep Ed Executive Committee meeting sa Batangas Country Club ngayong January 17 kung saan pinag-usapan ang kalagayan ng mga displaced learners o ang mga mag-aaral na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal na nasa mga lugar na idineklara ng PhilVolcs na sakop ng 14 kilometer-danger zone sa Batangas.

“This situation is very challenging. Hindi matitiyak kung hanggang kailan tatagal ito subalit kailangang maibalik sa normal ang pagpasok sa paaralan ng mga bata. The schools belong to the learners,” sabi ni Briones..

Ayon sa kanilang tala, may 167 paaralan ang ginamit bilang evacuation centers kung saan , 1,350 silid-aralan ang okupado at may 73,385 learners ang apektado.1055 naman ang bilang ng mga Dep Ed personnel. Ito ay ang mga paaralang sakop ng Batangas Division lamang.
Dahil sa naturang kalamidad, ilang araw ng kanselado ang mga klase mula ng pumutok ang bulkan noong ika-12 ng Enero.

Kaugnay nito, inilabas ang Dep Ed Memo No.3 Series 2020 kung saan maaring tanggapin ang mga kabataang evacuees sa pinakamalapit na pampublikong paaralan na kanilang nilipatan upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Ayon kay Undersecretary Alain Pascua, nagawa na nila ito ng maganap ang Marawi siege kung kayat hindi magiging problema ang paglipat ng eskwelahan ng mga estudyante.

Binigyang diin naman ni Regional Director
Wilfredo Cabral na bagamat handa ang Dep Ed sa pagbabalik eskwela sa mga paaralang nasa permanent danger zone, hinihintay nila ang desisyon ng Philvolcs kung ligtas na bumalik dito.

Lubos ang pasasalamat nila sa mga Regional Dep Ed Offices sa ipinaabot na financial assistance ng mga ito sa Batangas na umabot sa P 1.4M.

Inactivate na nila ang kanilang Dep Ed Quick Response and Recovery Team (QRRT).
Inatasan na din ang mga Dep Ed officials na itrack o hanapin ang kanilang mga personnel at learners sa mga evacuation centers at LGUs.

Inihahanda na din aniya ng kanilang kagawaran ang budget para sa cleam up funds at temporary learning space bilang ayuda sa mga naapektuhan.

Binigyang diin ng Education Secretary na sana ay sundin ng mga local government units ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpagawa ng multi-purpose centers or permanent evacuation centers na magagamit tuwing mayroong kalamidad. Kailangan din aniyang mapangalagaan ang mga paaralan.

Kaugnay nito ay ilalabas ng Dep Ed ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa paggamit ng mga paaralan bilang evacuation centers.

Pagkatapos ng pagpupulong, binisita ni Briones ang mga evacuees sa Bauan na isa sa mga lugar na may malaking bilang ng mga lumikas.