Mga bata sa evacuation centers binabakunahan laban sa tigdas

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg


Nagsagawa ang City Health Office (CHO) ng pagbabakuna laban sa measles o tigdas sa humigit kumulang na 500 bata edad siyam hanggang 59 buwan sa may 27 evacuation centers sa Batangas City mula ika-21 hanggang ika-25 ng Enero habang mahigit sa 20 buntis naman ang nabigyan ng tetanus diptheria vaccine.

Ito ay sa layunin ng CHO na maiwasan ang pagkakasakit at pagkahawa nito sa mga evacuation centers ng mga lumikas sa pagputok ng Bulkang Taal partikular ang mga bata na pinaka vulnerable o mahina ang resistensya sa sakit.

Ang mga evacuees na nasa labas ng evacuation center ay sa health center ng barangay binabakunahan.

Ang tigdas na karaniwang sakit ng mga bata ay isang viral disease na nakakahawa at itinuturing na pangunahing dahilan ng kamatayan ng bata ayon sa World Health Organization. Madali itong nalilipat sa pamamagitan ng hangin o sa malapitang pakikiharap sa mga taong may tigdas.

Ang vaccines ay mula sa Department of Health (DOH) sa ilalim ng pangangasiwa ng mga tauhan ng City Health Office (CHO).

Magpapatuloy ang kanilang pagpapabakuna habang may mga evacuees pa sa mga paaralan. (PIO Batangas City)