Barangay dapat tumulong upang maiwasan ang pagkalat ng N-COV

  1.jpg

Hiniling ni Batangas City Health Officer Rosanna Barrion sa mga barangay officials na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng impormasyon sakaling may suspected cases ng 2019 Novel Corona Virus o mga taong galing sa Wuhan, China at iba pang infected na bansa upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit na ito.

Ang sakit na ito ay pwedeng makuha sa mga droplets buhat sa ubo at pagbahin ng mga infected persons o kaya ay paghipo sa mga surfaces na nahawakan nila. Ang mga sintomas ay kagaya ng sa trangkaso kagaya ng lagnat, ubo, sioon, sakit ng ulo o katawan at sore throat.

Iniutos ng Departmemt of Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay na bumuo ng barangay response teams at gumawa ng protocol kung paano mapipigilan ang pagpasok at pagkalat ng nasabing sakit sa kanilang lugar. Sila ang “eyes and ears” ng barangay, magbibigay ng impormasyon tungkol sa nasabing sakit at magmo monitor sa pagdating ng mga taong galing sa mga bansang apektado ng nasabing sakit sa pamamagitan ng pagbisita sa mga bahay bahay. Magsasagawa din sila ng quarantine procedure kung kinakailangan at magre refer ng kaso sa mga authorized health facilities.

Pinayuhan ni Dra . Barrion ang publiko na maghugas lagi ng kamay gamit ang tubig at sabon sa loob ng 20-30 segundo, takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahin upang huwag makahawa ng sakit, uminom ng maraming tubig at siguraduhing lutong mabuti ang mga kakaining pagkain.
Pinayuhan niya ang publiko na agad kumunsulta sa mga health facilities kung nakakaranas ng mga nasabing simtomas.

Madaling mahawa ang mga taong mahina ang immune system kagaya ng mga bata, matanda, may diabetes at respiratory diseases kayat pinayuhan niya ang mga ito na palakasin ang resitensya sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.

Sinabi ni Dra Barrion na ang corona virus ay “curable” basta’t ito ay agarang ma detect at magamot upang maiwasan ang kumplikasyon.

Mayroon aniyang City Epidemiology and Surveillance Unit ang CHO kung saan mayroon silang close coordination sa DOH Regional Office upang ma address kung sakaling magkaroon ng kaso nito sa lungsod.

Ang BATMC ay ang apex o lead hospital sa lungsod. Bago pa man aniya magkaroon ng corona virus, ang mga private hospitals ay may mga disease surveillance officer na eksperto sa ibat-ibang karamdaman. Sakaling magkaroon ng kaso, kailangan nilang irefer sa reference hospital tulad ng San Lazaro Hospital at sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang pasyente.

“Hindi ineencourage ang pagsusuot ng face mask lalo na sa mga walang sakit at walang history ng exposure sa mga confirmed case. Kung may ubo at lagnat o sipon na maaaring makahawa, pwedeng gumamit ng face mask,” sabi ni Barrion. Prayoridad aniya ang mga medical personnel na magsuot nito. Dapat ay single use lamang ang facemask o gamitin lamang sa loob ng walong oras. Pagkagamit nito ay itapon ng wasto sa basurahan.

Nanawagan din siya na huwag magpakalat ng mga hindi official o hindi kumpirmadong balita sa social media na posibleng magdulot ng takot at pagkalito sa publiko. Sa World Heath Organization, Dept.of Health at awtorisadong ahensya ng pamahalaan lamang maniwala para sa tamang impormasyon.

Pinayuhan ni Dr. Barrion ang pubiko na maging kalmado sa harap ng krisis na ito ngunit maging mapagmatyag at maingat . (Ronna Endaya Contreras)