Malnutrisyon patuloy na lalabanan

  1.jpg

“Malnutrisyon Patuloy na Labanan, First 1000 Days Tutukan!” ang tema ngayong taon ng 47th Nutrition Month celebration.

Layunin nito na matutukan ang unang 1000 araw ng mga sanggol na magsisimula sa panahon ng pagbubuntis ng ina hanggang sa ikalawang taon ng bata. Hangad din nito na hikayatin ang mga stakeholders na magpatupad ng mga programa na makakatulong upang malabanan ang tumataas na bilang ng kaso ng malnutrisyon lalo na sa mga batang edad 0-59 buwan.

Ayon kay Nutrition Officer Eva Mercado, nais nila na mapalaganap ang impormasyon hinggil sa wasto at sapat na nutrisyon upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga bata sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lecture sa ibat-ibang barangay hinggil dito. Hiningi din nila ang partisipasyon ng mga ito sa paglalagay ng tarpaulin ng Nutrition Month theme sa mga health center at barangay hall.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, magsasagawa ang Nutrition Division ng City Health Office (CHO) ng Poster Making Contest para sa mga grade 4-6 mag-aaral ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod gamit ang nasabing tema. Kailangan nilang magsumite ng video presentation upang ipaliwanag ang kanilang entry.

Ang deadline ay sa July 15 kung saan magiging batayan sa pagpili ng mga mananalo ay ang judges’ vote at number of likes. Magdadaos din sila ng symposium at awarding via zoom sa ika-30 ng Hulyo para sa mga barangay nutrition scholars (BNS). Idinagdag pa ni Mercado na patuloy na nagsasagawa ang kanilang tanggapan ng pre-marriage couple orientation at counseling sa mga nagdadalang tao para sa unang 1000 days ng pagbubuntis dalawang beses kada linggo.

Nagsagawa din sila ng virtual meeting para sa mga BNS para sa pagpapatuloy ng mga activities ng kanilang tanggapan tulad ng full weighing at deworming kahit may pandemic. (PIO Batangas City)