Programang naghihikayat sa mga senior citizens na tumanggap ng COVID-19 vaccines, inilunsad

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Inilunsad ng Center for Health Development CALABARZON at ng Provincial DOH Office ang “Tutok A2 Strategy of Batangas Province” na naglalayong mahikayat ang mga senior citizens o yaong nasa A2 category na magpabakuna laban sa COVID19.

Ito ay matapos iulat ng Provincial Health Office (PHO) na 74% lamang na mga katatandaan sa buong probinsya ang nabigyan ng bakuna, malayo sa 85% target population na itinakda ng national government.
Ayon sa datos, mayroong 305,665 na kabilang sa A2 category. 191,706 pa lamang sa mga ito ang nabigyan ng isa o higit pang bakuna laban sa COVID19.

Ayon kay Kenneth Divinagracia, COVID19 Vaccination Team Leader ng BPDOH, natukoy nila ang 44 na barangay sa probinsiya na may mataas na bilang ng mga unvaccinated A2’s.

Ito ay mula sa lungsod at munisipalidad ng Lipa, Batangas, Tanauan at Sto. Tomas, Agoncillo, Balete, Calatagan, Lemery, Lian, Nasugbu, Rosario, San Juan at Tuy.

Ito aniya ang kanilang tututukan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng manpower mula sa Provincial DOH upang magbahay-bahay sa mga barangay na nabanggit.

Ilan sa mga estratehiya na pinag-usapan ay ang pagkakaloob ng basic Health Education and Promotion (HEP) service sa mga unvaccinated individuals.

Ito ay ang pagbibigay ng flyer o pamphlet, pagbisita ng health worker at himukin ang mga hindi pa bakunadong mamamayan na manood o makinig ng commercial tungkol sa vaccination campaign ng pamahalaan.

Bukod sa house to house strategy, iminumungkahi rin na magkaroon ng community assembly para sa mga malalaking barangay.

Hinihikayat din na mabigyan ng kopya ng mga campaign materials ang mga simbahan, public market, municipal PA system at rekorida operators upang mas malawak ang maabot ng nabanggit na kampanya.

Mayroon ding libreng services gaya ng free blood chem check up, free eye check up, libreng salamin at iba pa, upang higit na maengganyo ang mga katatandaan na magpabakuna.

Nilinaw din ni Divinagracia na sa kabila ng lahat ng adbokasiya ng pamahalaan, hindi dapat pilitin ang mga indibidwal na magpa-bakuna kung talagang ayaw nila.

Samantala, nakatakdang simulan ang kampanya para sa A2 category sa March 25.