Commission on Elections (COMELEC)

news-63-01.jpg

Handa na ang Commission on Elections (COMELEC) sa Batangas City sa nalalapit na May 9 local at national elections ayon kay Acting Election Officer Erlinda Candy T. Orense.

Hinihintay na lamang aniya ang mga supplies kung saan ang delivery ng mga voting counting machines (VCM) ay sa May 3 habang ang final testing ng mga ito ay sa May 5.

Ipinabatid din niya na sa 202, 421 registered voters sa lungsod, may 30,000 botante ang na –deactivate dahil hindi sila nakapag biometrics.

Hinggil naman sa posibilidad ng dayaan sa eleksyon, binigyang diin ni Orense na imposibleng magkaroon nito sapagkat ang mga storage data card (SD card) ay precinct-specific kung kayat hindi maaaring ang balota sa isang presinto ay gamitin sa VCM ng ibang presinto. “Very secure ang machine, meron syang mga firewalls na hindi maaaring i-hack at ito ay hindi internet- based,”aniya.

Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang masiguro ang kaayusan at katahimikan sa araw ng halalan. Ang gun ban at check points ay tatagal hanggang June 8.

Sinigurado naman ng Meralco sa kanila na walang magaganap na power interruption sa araw na nabanggit. At kung sakaling magkaroon man ng brownout, tatagal ang baterya ng mga VCM ng 14 hanggang 16 oras kung kayat hindi maaantala ang botohan.

Sa araw ng eleksyon, ang papayagan lamang aniya sa loob ng voting precinct ay ang Board of Inspectors, watchers ng mga kandidato, authorized representative ng Comelec at ang mga botante.

Ilan naman sa mga ipinagbabawal gawin ay ang pagdadala ng celfone sa loob ng presinto, pag-iingay, paglabas ng balota at marking pens, pagkuha ng larawan ng resibo at pagkopya ng balota.

Inaasahan na sa loob ng dalawang araw mula May 9 ay malalaman na ang resulta at maiiproklaman na ang mga magwawagi.
Gagawin aniya ng Comelec ang lahat ng kanilang makakaya upang magkaroon ng maayos at matagumpay na eleksyon at kaisa ang kanilang tanggapan sa hangarin na magkaroon ng mapayapang halalan. (PIO Batangas City)

 

 

Sa kanyang muling pagbabalik, ganap ng hepe ng Batangas City Police si Police Supt. Danilo Mendoza ng siya ay umupo noong gabi ng January 9, ilang oras bago ipatupad ang ban ng Commission on Elections sa transfer o movement ng mga officers at employees sa civil service tuwing election period.