2018 Bb. Lungsod ng Batangas candidates ipinakilala sa kanilang unang public appearance

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Ipinakilala sa publiko ang 20 naggagandahang Bb. Lungsod ng Batangas 2018 candidates sa kanilang motorcade sa loob ng poblacion ngayong araw na ito.

Ito ay sinundan ng press conference sa Batangas City Convention Center kung saan tinanong sila sa kanilang opinion sa iba’t ibang issues.

Marami sa mga kandidata ang ayaw sa pre-marital sex subalit pabor naman sa same sex marriage dahilan sa naniniwala sila sa equal rights ng isang tao maging anoman ang kanyang gender.  Sumasangayon din sila sa  war on drugs ni Pangulong Duterte.
Nagkaisa naman ang mga ito sa pagsasabing ang kanilang iniidolo at itinuturing na role model ay si Ms Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Naniniwala din sila na mas dapat sundin ang payo ng mga magulang kaysa sa mga nababasa at nauuso sa social media.
Ilan naman sa kanilang magiging advocacy kung sakaling papalaring manalo ay ang pagsusulong sa turismo, pangangalaga sa kapaligiran, pagpapaunlad ng kalusugan at ng antas ng edukasyon sa lungsod.


Naging early favorites  ng mga lokal na mamamahayag sina contestant Number 1 Arzel Eve De Mesa ng barangay Kumintang Ilaya, # 5 Andrea Loise Macaraig ng Pallocan East, # 9 Michelle Anne Mendoza ng  Sta Rita Aplaya, # 10 Quennie Faye Espeleta mula sa  Kumintang Ilaya, # 14 Anthea Jean Arante ng Kumintang Ibaba at # 18 Princess Razene Almacen ng Kumintang Ilaya.


Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cultural Affairs Committee Vice-Chairman Eduardo Borbon na ang Bb Lungsod ng Batangas ang pinaka unang beauty pageant sa lalawigan.

Binigyang diin niya ang pagpapahalagang ipinagkakaloob ng mga Batangueno sa patimpalak pagandahan kung saan patunay aniya dito ay ang  pagbibigay ng pangalan sa dalawa sa mga pangunahing kalsada sa lungsod-ang Noble St. mula sa pangalan ng kauna-unahang Ms Philippines na si Anita Noble at ang katabing kalsada na pinangalanang Ms Philippines.


Samantala, handa na ang mga gawain sa pagdiriwang ng Batangas City Fiesta celebrations 2018 sa  temang “Masaya ang Sama-samang Tagumpay!”.
Highlight ng selebrasyon ang Sto Nino ng Batangan Fluvial procession sa Calumpang River sa ika-5 ng Enero bilang pagpupugay ng mga Batangueno sa Mahal na Patron.


Kaalinsabay nito ang Alay sa Sto Nino cultural presentation sa Batangas City Convention Center na tatampukan ng mga mag-aaral mula sa ibat-ibang paaralan sa lungsod.


Sa  gabi ng January 6 ang paborito ng mga kabataan na Battle of the Bands sa Amphitheater ng Plaza Mabini.
Gaganapin naman sa January 8 ang Children’s Art Competition sa Teachers Conference Center.
Magpapakitang gilas naman ang mga kandidata sa Bb Lungsod ng Batangas 2018 sa Talent Show na gaganapin sa Batangas City Convention Center sa January 13.


Kokoranahan naman sa ika-15 ng Enero sa Batangas City Sports Coliseum ang pinakamagandang dilag sa pinaka-aabangang Bb Lungsod ng Batangas Quest 2018. Ito ay tatampukan ng mga sikat na artista sa telebisyon at pelikula.


Sa mismong araw naman ng Kapistahan sa January 16 isasagawa ang parade na magsisimula sa Batangas City Sports Coliseum grounds.
Para sa mga nagnanais magkaroon ng trabaho, muling magsasagawa ng Handog ni Mayor: Trabaho para sa mga taga-lungsod ng Batangas sa Batangas City Convention Center sa ika-20 ng Enero.


Inaanyayahan ang lahat na makiisa sa mga nabanggit na gawain na inihanda ng pamahalaang lungsod ng Batangas sa pangunguna ni Mayor Beverley Dimacuha. (PIO Batangas City)