Tulong Dunong scholar nagtapos ng cum laude

  1.jpg b.jpg

Dahilan sa Tulong Dunong scholarship program ng Commission on Higher Education (CHED) at sa pakikipag-ugnayan dito ni Batangas Fifth District Congressman Marvey Mariño upang mapakinabangan ito ng mga kapospalad subalit karapatdapat na mga estudyante sa Batangas City , isang scholar ang nagtapos ng cum laude sa kursong Bachelor of Science in Accountancy sa Batangas State University (BSU).

Siya ay si Princess Diane Alo Mardo ng barangay Dalig. Sa pagsisikap ng kanyang ina na mapaaral siya sa pamamagitan ng pagtitinda ng streetfood, at sa tulong ng nasabing scholarship program ay naabot ni Mardo ang tagumpay na makapagtapos ng pag-aaral.

Noong una ay derektang ibinabawas sa kanyang tution fee ang P6,000 bawat semester na scholarship allowance. Dahil naging libre na ang college education sa BSU at sa lahat ng kagaya nitong state colleges and universities, nakukuha na niya ng cash ang allowance na ginamit niya pambili ng materyales sa school projects at thesis.

Labis ang pasasalamat ni Mardo kay Cong. Marvey, na kung hindi aniya sa scholarship na ito ay matagal na siyang tigil sa pag-aaral dahil hindi sapat ang kinikita ng kanyang ina at namatay na rin ang lolo na siyang tumutulong sa kanilang tatlong magkakapatid.

Naging inspirasyon din niya ang scholarship na ito para higit na magpursige at maipakita ang pasasalamat kay Congressman sa pamamagitan ng honors na kanyang tinanggap.

Sa kasalukuyan ay naghihintay na si Mardo ng tawag mula sa mga kumpanyang pinag aplayan niya ng trabaho. (PIO Batangas City)