BFAR may scholarhip grant sa Bachelor of Science in Fisheries

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Para sa mga nagnanais na kumuha ng kursong Bachelor of Science in Fisheries, ipinababatid ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagkakaloob sila ng scholarship sa kursong ito.

Ayon kay Melanie Briones, regional human resource manager ng BFAR at Regional Fisheries Scholarship coordinator, layunin ng programang ito na mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang mga kabataang walang kakayang pinansyal gayundin ay mahikayat ang mga ito na pumasok sa larangan ng industriyang pangisdaan na makakatulong upang mas maitaas ang antas nito.

Mayroong dalawang uri ang kanilang fisheries scholarship program. Ang isa ay para sa mga mag-aaral na kabilang sa Top 10 ng klase habang ang isa naman ay para sa mga anak ng mangingisda.

Tanging ang kursong Bachelor of Science in Fisheries ang kanilang inooffer. Kailangan lamang na magsumite ng application form, hindi tataas ng 25 taong gulang at may certificate of residency na anim na buwan.

Para sa mga anak ng mangingisda, kinakailangan na ang kanilang mga magulang ay registered fisherfolk, may residency na anim na buwan at may general weighted average 80%
habang yaong mga kabilang naman sa Top 10 ng klase ay kinakailangang icertify ng kanilang paaralan.

Ilan sa mga benepisyo ng pagiging scholar ay ang libreng tuition fees, monthly allowance na P 4000, P2000 na book allowance kada semester at mayroon ding OJT support na P 3000, thesis support na P 7000 at graduation support na P 1500.

Kapag sila ay nakapagtapos, maaari silang ma hire sa BFAR at mai recommend sa ibat-ibang fishery industries.

“Kumpara sa ibang kurso mas kakaunti ang kakumpetensya sa kurso at sa larangang ito,” sabi ni Briones.

“May 20 slots kada taon ang ipinagkakaloob sa mga mag-aaral sa rehiyon. Magsasagawa kami ng recruitment examination para sa 4th batch sa December 7 para sa mga magkokolehiyo sa taong 2019-2020 na gaganapin sa Laguna State Polytechnic University,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, may 86 senior high school students ng Tabangao Integrated School at Pedro S. Tolentino Memorial High School ang dumalo sa orientation tungkol sa BFAR scholarship grant sa pagtataguyod ng Fisheries Division ng Office of the City Veterinarian and Agricultural Services ( OCVAS) .

Tinalakay din ang breeding at propagation ng fresh water ornamental fishes na pwedeng pagkakitaan.