Seminar sa meat safety idinaos sa Meat Handlers Day

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 3rd Farmers, Cooperators and Fisherfolks Week, itinalaga ang November 6 bilang Meat Handlers Day kung saan nagbigay ang Livestock Division ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) ng seminar sa Meat Vendors Awareness on Meat Safety at updates sa African Swine Fever (ASF).

Ang tema ng naturang okasyon na nilahukan ng humigit kumulang sa 100 meat vendors, meat handlers at mga myembro ng Barangay Livestock and Agricultural Technicians (BLAT) sa lungsod ay “ Karneng Pagkain: Sapat at Ligtas, Masaganang Ani at Mataas na Kita ang Katumbas” .

Ayon sa hepe ng OCVAS na si Dr Macario Hornilla, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga meat vendors kung kayat mahalaga din na mabigyan sila ng sapat na kaalaman hinggil sa food security at food safety.

Nagsilbing resource speaker si Dr Fernando Lontoc, OIC Regional Technical Director ng National Meat Inspection Service (NMIS), Region IV-A kung saan tinalakay niya ang mga regulasyon sa malinis na paghahanda at pagbebenta ng bagong katay na karne (chilled, frozen at thawed) sa pamilihan para sa proteksyon ng kalusugan ng mga mamamayan.
Mahalaga aniya na ligtas at malinis ang karneng nabibili natin sa palengke at supermarket upang maiwasan ang pagkakasakit kung kayat may mga responsibilidad na dapat tuparin ang mga meat handlers at vendors.

Dapat ding mapanatili ang frozen meat na may temperature na 0 hanggang -18 degrees, ang chilled meat na 0 hanggang 10 degrees at ang thawed naman ay 0 hanggang 5 degrees. Dapat ding nakasabit ng maayos ang mga panindang karne at hindi patong patong o pinaghahalo halo.

Hinikayat niya ang consuming public na ugaliing bumili ng mga karneng may meat inspection certificate o tatak ng pagkasuri ng karne at bumili sa mga mapapagkatiwalaan o maayos at malinis na magtitinda. .

Binigyang diin din niya ang sama samang pagkilos at pagtutulungan ng ibat-ibang ahensya sa pagkontrol o pag-iwas sa ASF.

Nagbigay naman ng ilang mahahalagang impormasyon si Theresa Magno, consumer protection officer ng NMIS tungkol sa Hygienic Handling of Newly Slaughtered Meat kung saan itinuro niya ang mga paraan sa tamang pagkakatay, paghahawak at pagbebenta ng karne upang masiguro na ito ay ligtas hanggang sa makarating sa hapag kainan ng mga consumers.