Tatlong estudyante ng Casa del Bambino nagkamit ng karangalan sa UN competition

  1.jpg

Iprinesenta ng tatlong mag-aaral ng Casa Del Bambino Emmanuel Montessori (CBEM) kay Mayor Beverley Dimacuha ang karangalang kanilang nakamit sa Asia World Model United Nations (AWMUN) III – “The Implementation of World’s Agenda” 2030 na ginanap noong November 13-16 sa Bali, Indonesia.

Ang AWMUN ay simulation ng United Nations conference kung saan nagkaroon ng speeches, debate at paggawa ng resolution ang mga delegates.

Napiling Most Outstanding Delegate of United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) si Trisha Mae Buela, grade 12 STEM student na nakipagtunggali sa delegates ng 70 bansa. Naging paksa niya ang refugee relocation system at violations against refugees ng Czech Republic.

Naging delegate naman si Gertrude Patrice Alea sa Special Political Decolonization Committee (SPECPOL) na nilahukan ng 86 bansa kung saan ang naging paksa niya ay human rights ng indigeneous people ng bansang Maldives.

Ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organizations (UNESCO) ng bansang Barbados ang tinalakay ni Nikkita Grace De Villa kung saan nakaharap niya ang mga kinatawan ng 160 bansa.

Ayon kay Buela, nagregister sila online sa naturang kompetisyon at mapalad namang nakapasok sila. Ipinaalam na agad sa kanila ang assigned topic at bilang paghahanda sa loob ng dalawang buwan, nagsagawa sila ng malawak na research bago nila isulat ang kanilang position paper. Kailangan nilang i research ang mga national policies, history at culture ng bansang napa assigned sa kanila at ang stand na kanilang pinaniniwalaan upang makabuo ng isang mahusay na position paper.

“Sa simula po ay curiosity lamang ang dahilan kung bakit gusto kong ma experience ito, subalit as time went by, naramdaman kong ito ay para sa aking magulang, paaralan, city at dahil sa ito ay isang international competition ay para na rin sa Pilipinas,” dagdag pa niya.

Lubos ang kanilang pasasalamat sa kanilang mga magulang, paaralan at sa pamahalaang lungsod sa suportang ipinagkaloob sa kanila kasama na ang financial assistance upang makalahok sa naturang kompetisyon.

Payo nila sa mga kapwa nila kabataang mag-aaral na i-grab ang bawat opportunity na dumadating sa kanila upang magkaroon ng naiibang karanasan at maraming matutunan.