City Library inaliw ang mga batang evacuees sa pamamagitan ng puppet show

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Nagpunta ang staff ng City Library sa isang evacuation center sa Batangas City upang aliwin ang mga batang biktima ng Taal volcano eruption at turuan ang mga itong maging mahilig sa pagbabasa.

Nagsagawa sila ng puppet show, story telling at reading sa Banaba East Elem. School, January 27, kung saan may 49 na pamilya na may 37 bata ang nanunuluyan.

Nasiyahan ang mga bata sa kwento ni “Pinong Patago-tago” na nag iwan ng aral ukol sa pagiging masunuring anak sa mga magulang. Naging tema naman ng puppet show ang kahalagahan ng pagbabasa ng aklat at pangangalaga ng kapaligiran kung saan ang isang paraan ay ang tamang pangangasiwa ng basura sa pamamagitan ng segregation o pagbubukod nito.

Nasiyahan ang mga bata sa mga parlor games at tumanggap ng mga ibinahagi ng City Library na story at activity books mula sa Books For A Cause Foundation. Namigay din sila ng stuff toys na bahagi ng kanilang “Libro Ko, Laruan Ko, Handog Ko sa Iyo” project. (PIO-Batangas City).