OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, nagtayo ng negosyo

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Isa si Jerrymie Evangelista ng barangay Kumintang Ilaya sa libo libong overseas filipino workers (OFW) na inabot ng lockdown at hindi na nakabalik pa sa bansang kanyang pinagtatrabahuhan. Ayon sa kanya, taong 2008 nang makarating siya sa Dubai. Naloko siya ng recruitment agency na kanyang pinag-aplayan kung kayat siya na mismo ang gumawa ng paraan upang makahanap ng trabaho doon.

Natanggap siya bilang quality controller sa Papa John’s, isang kompanyang gumagawa ng dough ng pizza, naging head chef din ng isang Arabic restaurant at Italian restaurant at kalaunan ay naging head chef ng Pitfire Pizza, isang sikat na pizza store sa Dubai.

“Hindi ako nakatapos ng kolehiyo pero mabilis naman akong natuto at naipakita ko na may ibubuga naman ako bilang isang chef” ayon kay Jerrymie.

Patunay dito ang mga awards na ibinigay sa kanya tulad ng 2017 Best American Pizza, 2018 1st place in Italian Style Pizza, 2018 Battle of the Chefs Winner at 2018 BBC Good Food Award (Best Pizza) sa Middle East.

Nagtrabaho siya sa Dubai ng 12 taon at nakapagbigay ng komportableng buhay sa kanyang pamilya. Subalit nang dahil sa nararanasang krisis sa kasalukuyan, nawalan sila ng pagkakakitaan. “ Naisip namin ng aking asawang si Josephine na isang part time tutor, na magbusiness, ang pagagawa at pagbebenta ng homemade pizza, ayon kay Jerrymie.