COMELEC registration, simula na

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Maaari na muling magparehistro sa Commission on Elections sa Batangas City simula ngayong araw na ito alinsunod sa Comelec Resolution No. 10674. Layunin ng COMELEC na magkaroon ng biometrics data ang lahat ng mga rehistradong botante ng lungsod.

Ayon kay Acting Election Officer Gene Barte, prayoridad nila ang kaligtasan ng kanilang mga kliyente kung kayat mahigpit ang isinasagawa nilang pagpapatupad ng mga health at safety protocol. “Bukod sa pagsusuot ng face mask, istrikto ang implementasyon ng social distancing sa pila at 100 katao lamang ang ipo-proseso namin kada isang araw”, ayon kay Barte. Bilang pag-iingat naman ng aming mga staff, nakasuot sila ng PPE, dagdag pa niya.

Hinihikayat ang mga magpaparehistro na magdala ng sariling ballpen at idownload ang application form sa www.comelec.gov.ph at magdala ng tatlong kopya. Maaaring isumite ang aplikasyon mula araw ng Martes hanggang Sabado, mula alas otso ng umaga hanggang alas tres ng hapon. Bukod sa pagpaparehistro at reactivation, maaari ding magpatransfer ng voting precinct o magpatala sa ibang lugar.

Maaari ding dumulog ang mga may correction of entries at mga nagnanais magpabago ng status. Kinakailangang magdala ng valid identification card o ID na ang address ay sa Batangas City at birth certificate para sa alinmang transaksyon.

Pinapayuhan ang mga menor de edad na 21 taong gulang pababa at mga senior na 60 taong gulang pataas na sa susunod na taon na lamang magparehistro. Ang registration ay tatagal hanggang September 20, 2021. (PIO Batangas City)