Magkaroon ng positive attitude, payo ng isang COVID19 survivor

  1.jpg

“Being optimistic” o ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay ang naging attitude ng COVID 19 survivor na si Allan Natiola o mas kilala bilang DJ Raynuts ng 99.1 Spirit - FM Batangas. Bahagi siya ng contact tracing na isinagawa ng City Health Office (CHO) sa nasabing radio station sapagkat nagpositibo sa COVID19 ang ilan sa kanyang kasamahan.

“Hinanda ko na ang sarili ko habang naghihintay sa result ng swab test kaya hindi na ako nagulat pa, ” sabi ni DJ Raynuts. Ayon sa kanya, mas matindi pa ang pinagdaanan niya noong mga nakaraang taon kung saan siya ay nakipaglaban sa sakit na diabetes at nagkaroon ng tubig sa baga. “Asymptomatic ako, actually wala ngang maniwala na may covid19 ako, akala nila nagbibiro lang ako kasi kilala nila ako bilang masayahing tao. Ang tanging dasal ko lang noong panahong yun, na huwag sana akong dumating sa punto na mahirapan ako sa paghinga,” dagdag pa ni DJ Raynuts.

Habang nasa isolation facility, hindi siya tumigil sa pagganap ng tungkulin bilang Program & Marketing Supervisor ng nasabing himpilan. Ginwa niya ang mga regular nyang responsibilidad tulad ng pakikipag coordinate, pagbibigay ng instruction sa kanyang mga kasamahan, pagdalo sa mga zoom meetings at maging pagtupad sa mga previous engagement niya kahit sa pamamagitan ng fone patch. “Kung ang iba ay work from home, ako naman ay work from quarantine,” biro ni DJ Raynuts. “Malaking bagay na I kept myself busy kaya hindi ako nakaranas ng lungkot o depression,” binigyang diin niya.

Sa 19 araw na pamamalagi sa isolation facility, doon aniya naisip kung gaano kaswerte ang mga taga Batangas City dahil sa pagkalinga at pag-aalagang ibinibigay ng mga doctor, nurse at iba pang staff ng CHO. May mga kaibigan siyang nagpositibo din sa COVID19 ngunit hindi nakaranas ng pagmamalasakit ng lungsod at lalawigan na kanilang tinitirhan. Sinabi rin niya na kulang ang mga salita upang ipaabot ang kanyang taos pusong pasasalamat sa mga frontliner at sa lokal na pamahalaan na hanggang ngayon ay patuloy pa din ang pagmomonitor sa kanya. Ngayon siya ay magaling na at “back on the air” na sa kanyang programa. Payo niya sa mga tinamaan ng naturang sakit na huwag itago ang kanilang kalagayan. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng komunikasyon sa pamilya, mga kaibigan at maging sa mga kasamahan sa trabaho. Maging optimistic sa pagharap sa mga hamon ng buhay at huwag kalimutang manalangin, ayon pa rin kay DJ Raynuts. (PIO Batangas City)