Ibayong pag-iingat kontra COVID19, payo ng isang biktima ng sakit

  1.jpg

“Kahit pala lahat ng klase ng pag-iingat ang gawin mo, wala kang magagawa kapag nakapitan ka ng virus kapag nasa labas ka na ng bahay” . Ito ang sinabi ni Ruby Fajardo, isang empleyado ng Batangas City government.

Ayon sa kanya, July 31 nang lumabas ang resulta ng swab test ng kanyang asawa. Ang pagsailalim niya sa swab test ay bunsod ng nararamdamang flu-like symptoms sa loob ng ilang araw. Dahil dito, kaagad nagsagawa ng contact tracing at swab test ang City Health Office (CHO) sa lahat ng myembro ng kanilang pamilya. Pagkalipas ng ilang araw, nalaman nila na maging si Ruby ay positibo rin sa COVID19. Kaagad silang nag isolate upang hindi na makahawa pa sa ibang tao sa kanilang komunidad lalo na sa kanilang mga anak at iba pang kasama sa bahay.Dahil mayroon silang anak na doctor at nurse na mag-aalaga sa kanila, nagpasya ang mga ito na sa katabing bahay na walang nakatira na lamang sila mamalagi.

“Bigla akong nanghina, iyak ako ng iyak, tinanong ko ang Diyos kung bakit ganon, lahat naman ng pag-iingat ay ginawa naming pero bakit tinamaan pa din kami ni virus, ” ayon kay Ruby. Bagamat walang malalang sintomas na naramdaman bukod sa pagkawala ng pang amoy, nakaranas si Ruby ng depresyon, lungkot at takot sa kung ano ang maaaring mangyari sa kanila na kapwa may co-morbidity. Natakot din siya sa diskriminasyon na maari nilang maranasan. “Noong time na yun, na realize ko na ang aming pinagdadaanan ay pagsubok lamang kaya ang tanging pinanghawakan ko ay ang aking pananalig sa Diyos, “ dagdag pa niya.

Sa tulong ng kanilang pamilya at mga mensahe ng suporta at pagdamay ng kanilang mga kaibigan at maging ng mga kapitbahay, nalabanan niya ang mga negatibong nararamdaman. “Bagamat, hindi kami nagpadala sa isolation facility, very thankful kami sa city government sa pag-aalaga nila sa amin, hindi biro ang budget na inilalaan ng pamahalaang lungsod sa bawat isang pasyente,” binigyang diin ni Ruby.

Sila ngayon ay kapwa magaling na at nagpapahinga. Plano niya na magbalik sa trabaho sa susunod na buwan. Payo nila na hanggat maari ay huwag nang lumabas ng bahay kung hindi rin lang mahalaga ang lakad o pupuntahan at dapat magkaroon ng ibayong pag-iingat ang lahat upang hindi makapitan o mahawa sa covid19. (PIO Batangas City)