Batangas City BFP, may bagong hepe

  1.jpg

Si F/CINSP Reynaldo Enoc ang bagong Fire Marshall ng Batangas City Bureau of Fire Protection (BFP). Siya ang pumalit kay dating BFP Batangas City Chief SInsp Elaine Evangelista. Si Enoc ay 47 taong gulang mula sa Pasig City at humigit kumulang na 25 taon na sa serbisyo.

Bago na-assign sa Batangas City, siya ay naglingkod bilang Chief ng Fire Safety Enforcement Section sa Quezon City. Ito ang unang pagkakataon na gaganap siya bilang Fire Marshall. “Dahil ISO certified ang BFP Batangas City, ipagpapatuloy ko ang striktong implementasyon at mabilis na proseso ng pagbibigay ng fire safety permit at sa pagsasagawa ng inspeksyon sa mga establisyimento upang maseguro na ang mga ito ay tumutupad sa Fire Code of the Philippines,” ayon kay Enoc.

Sa simula ng kanyang panunungkulan sa lungsod noong August 24, kaagad siyang nakipag-ugnayan sa Incident Management Team (IMT) ng pamahalaang lungsod upang magbigay ng assistance sa pagresponde sa mga emergencies at aksidente gayundin upang makatulong sa monitoring sa pagpapatupad ng health at safety protocols hinggil sa COVID19. Idinagdag pa niya na regular ang kanilang isinasagawang check point sa STAR Toll exit sa barangay Balagtas, sa Alangilan at sa Simlong. “Kung hindi ko man malampasan, kahit mapantayan ko man lamang ang mga programang ipinatupad ng aking pinalitan, magaganda ang kanyang mga proyekto kung kayat ieenhance o immodify ko ang mga ito upang mas mapaganda pa ang aming serbisyo,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, may 35 uniformed personnel at 30 na fire aide ang BFP Batangas City. Hihingin din niya ang suporta ng mga volunteer fire brigades upang higit na mapalakas ang kanilang pwersa. ‘Overwhelming ang support ng lokal na pamahalaan sympre sa pangunguna ni Mayor Beverley Rose Dimacuha kaya lubos ang pasasalamat namin sa kanya,” ayon kay Enoc. (PIO Batangas City)