COVID19 Contact Tracing Ordinance of Batangas City, inaprubahan

  1.jpg 2.jpg

Inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Batangas kamakailan ang “COVID19 Contact Tracing Ordinance of Batangas City” na naglalayong higit na palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa pagkalat ng COVID19.

Ang ordinansa ay hango sa Republic Act No. 11332 na tinatagubilinan ang lahat ng close contacts, suspects, probable at may kumpirmadong kaso ng COVID-19 na maging transparent sa kanilang kalagayan para sa epektibong contact tracing. Ang contact tracing ay isang health intervention kung saan hinahanap ang mga taong naka close contact ng isang laboratory-confirmed o probable infected person. Binibigyan din ng nasabing ordinansa ng karapatan ang city government na magsagawa ng aggressive contact tracing at istriktong pagpapatupad ng public health protocols habang may pandemya.

Ito ay ipatutupad ng lokal na pamahalaan sa lahat ng mamamayan at mga pansamantalang naninirahan o tumitigil sa lungsod ng Batangas. Ilan sa ipinagbabawal ng ordinansa ay ang pagsisinungaling sa mga hinihinging impormasyon para sa contact tracing, pagtanggi sa mga suhestyon ng health officials kagaya ng testing, pamemeke ng COVID-19 test results, violation ng 14-day quarantine protocol, bogus contact tracing na hindi kinikilala ng Department of Health, at improper disposal at documentation ng COVID-19 tests at iba pang impormasyon ng pasyente.

Ang sinumang lalabag sa ordinansa ay maaaring magmulta ng P5,000 o pagkakulong ng isang buwan depende sa kasong isasampa sa kanya ng korte. (PIO Batangas City)