Libreng teleconsultation para sa mga batang may special needs, isasagawa

  1.png

Isang teleconsultation na tinaguriang TINDIG BATAngueno ang nakatakdang isagawa ng Helping Hands Pediatric Therapy Center katuwang ang EBD Program for Special Children ng pamahalaang lungsod.

Ito ay gagawin via zoom sa July 20 mula ikasiyam ng umaga hanggang ikaaapat ng hapon kaugnay ng paggunita ng 43rd National Disability Prevention and Rehabilitation Week. Ito ay may temang “Kalusugan at Kaunlaran ng Pilipinong may Kapansanan, isulong sa Gitna ng Pandemya”.

Ayon kay Dr. Marizel Pulhin-Dacumos, layunin ng nasabing proyekto na makapagbigay ng free development assessment at teletherapy sa mga batang may special needs lalot higit ngayong panahon ng pandemya. “Nais naming bigyang diin sa proyektong ito na kailangan nating tumayo at magtulungan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga bata na may autism, ADHD, cerebral palsy at learning disabilities at iba pang developmental disorders,” sabi ni Dra Dacumos.

Ang pagkakaroon aniya ng special needs ay bunga ng ibat-ibang factor at isang lifelong disorder kung kaya’t payo niya na sa pagbubuntis pa lamang ay mag-ingat na ang isang ina. Mahalaga din aniya ang early intervention sa pamamagitan ng therapy sa unang limang taon ng batang may special needs. Idinagdag pa din niya na nais nilang i-empower ang mga magulang at bigyan ng sapat na kaalaman ang mga ito kung ano ang pagkalinga at pag-aaruga na dapat gawin sa kanilang mga anak na may disabilities.

“Magbibigay kami ng individualized home instructions kung ano ang mga dapat gawin sa mga batang may speech delay at kung paano ang treatment s amga bata na may behavioral concerns”, ayon pa din kay Dra.

Bukod sa mga Developmental and Behavioral Pediatricians, makakatulong din nila sa teleconsultation ang kanilang mga therapists at mga inimbitahang espesyalista tulad ng psychiatrists, speech language pathologists, occupational, at physical therapists gayundin ang mga SPED teachers. Taong 2008 nang magsimula ang Helping Hands na tumulong sa mga batang may special needs sa lungsod.

Sa pamamagitan ng EBD program for special children, may 40 kabataan ang patuloy na nakikinabang sa ipinagkakaloob nilang libreng therapy. Inaanyayahan ang mga nais magpakonsulta sa TINDIG Batangueno Teleconsultation na magregister sa google sheet na makikita sa instagram at facebook page ng Helping Hands gayundin sa EBD Magkatuwang Tayo at palakatbatangascity fb page. (PIO Batangas City)